“WALANG sindikato sa likod ng tanim-bala” wika ni Department of Transportation and Communications (DoTC) secretary Emilio Abaya. Masyado lang daw pinalaki ang isyung ito. Kahit ba hindi trabaho ng sindikato ang anomalyang ito, mayroon talagang naglalagay ng bala sa bagahe ng mga pasahero. Lumalabas na nga ang mga nabiktima nito na nakakuha ng lakas ng loob sa overseas Filipino worker (OFW) na si Gloria Ortiñez na matapang na ipinaglaban ang kanyang karapatan. Mariin niyang itinanggi na dala niya ang balang nakita sa kanyang bag. Hinarap niya ang kasong isinampa laban sa kanya. itinatadhana ng pagkakataon na siya ang wawasak sa kabuktutang ginagawa ng kanyang kapwa.
Mahirap paniwalaan ang tinuran ni Abaya na walang kinalaman ang sindikato sa tanim-bala. Kung wawariin mo ang mga nagrereklamong biktima ng anomalya ay makakategorya mo sa ganitong uri: May edad na, may kakayahan sa buhay o kaya ay kailangan nang makaalis. Hindi puwedeng ipagpaliban ang kanilang biyahe. Sa kategoryang ito pumapasok ang mga OFW. Ang mga ganitong pasahero ay madaling bumigay sa pananakot at panggigipit. Bukod sa madali silang kikilan, takot pang magreklamo. Kaya, pinipili ng mga nagtatanim ng bala ang kanilang tataniman. Hindi magagawa ito ng iilan at nasa parehong departamento. Nakakalat sila. May nangingilatis ng pasaherong mabibiktima at iba naman ang naglalagay ng bala.
Tama si Abaya, lumaki ang isyu. Bakit hindi lalaki at lulubha ang isyung ito, eh, binigyan ng laya ang mga kawaning gumagawa ng kabulukang ito. Nagpabaya ang dapat magsawata nito. Kahit nagulo na ang paliparan, tahimik pa rin ang mga namamahala nito. Naiwan ang mga biyahero sa paggawa ng paraang mapapangalagaan nila ang kanilang mga sarili.
Binalot nila ng plastic ang kanilang mga bagahe at sinulatan ang mga ito ng pakiusap sa mga kawani ng paliparan na huwag taniman ang mga ito ng bala. Bakit hindi kakalat ito na balita na parang apoy sa mga ibang bansa eh, sa airport ito naganap?
Nais ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Honrado na ang mag-iimbestiga ng anomalya ay ang Department of Transportation ang Communication-Office Transport Security (DOTC-OTS). Paanong lalabas ang talagang nangyari sa isyung ito at ang mga may gawa nito, eh, sila-sila rin ang sangkot dito? Hayaan na ang Kongresong gumawa ng imbestigasyon dahil bukas ito sa publiko na interesadong mabatid ang puno’t dulo nito.
(RIC VALMONTE)