NITONG Agosto dahil sa pinasok ng masamang hangin ang ulo ni Commissioner Bert Lina ng Bureau of Customs (BoC) na ipinabulatlat ang mga balikbayan box ng overseas Filipino workers (OFWs), halos isumpa siya at minura sa dasal ng mga OFW at iba pa nating mga kababayan. Inulan din siya ng batikos ng mga netizen, lalung-lalo na ang mga kamag-anak at pamilya ng mga OFW. Natauhan at sinunod niya ang utos ni PNoy na itigil ang pagbulatlat sa mga balikbayan box na ayon kay Commissioner Lina ay ginagamit sa pagpupuslit ng mga bala, droga at iba pang smuggled item.

Ngayong Nobyembre, sunud-sunod ang mga kahiya-hiyang insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang mga OFW at dayuhang papunta at paalis ng bansa ay nabibiktima ng isang uri ng sindikato na kung tawagin ay “tanim-bala”.

Ang bala ay itinatanim o inilalagay sa bagahe ng mga OFW at mga dayuhan. Ang pasimuno umano ng tanim-bala (tinatawag ding “laglag-bala”) ay ang mga bugok na tauhan ng Office for Transportation Security (OTS). Suspect din ang mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group at mga screener sa airport. Ganito ang modus operandi ng tanim-bala, dadaan sa x-ray machine ang bagahe ng pasahero at kapag may nakitang bala sa bagahe o bag nito ay agad hinaharang ang pasahero at pinipigilang makaalis ng bansa.

Sinasampahan ng kaso na nagiging dahilan ng pagkawala ng trabaho. Halimbawa na rito ang Pinay domestic helper sa Hong Kong. Sinasabing ang tanim-bala sa airport ay nangyayari na pala mula pa noong 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nang mabunyag ang katarantaduhang ito ng mga hudas at demonyo sa airport, todo-tanggi ang mga tauhan ng OTS at iba pang sangkot sa tanim-bala. Maging si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado ay todo-tanggi sa mga interbyu sa radio at telebisyon. Mahusay ang kanyang mga paikot at paliwanag na tila gustong palabasin na ang NAIA ay parang isang holy ground na walang nangyayaring kabalbalan. Ngunit hindi siya pinaniniwalaan ng ating mga kababayan. Hiniling pa siya na mag-resign kasama sina DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya at iba pang pinuno sa airport dahil sa kahihiyang nangyayari sa NAIA.

Dahil sa mga pangyayaring ito, naaalala ng inyong lingkod ang isa sa mga pelikula ng action king na si Fernando Poe, Jr. na “Isang Bala Ka Lang”. Sa pelikula, ang bala ay sagisag ng katarungan. Ngunit sa airport, ang bala ay ginagamit sa pangongotong at katumbas ng limpak-limpak na salapi na hinihingi sa mga OFW at dayuhan na biktima ng mga bugok na tauhan sa paliparan.

Mga hudas at kampon ni Satanas sa airport, maawa kayo sa mga OFW at sa iniibig nating Pilipinas. (CLEMEN BAUTISTA)