Nag-alok ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng tulong para sa overseas Filipino worker na si Gloria Ortinez na nahulihan ng bala sa kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nang patungo sana siya sa Hong Kong noong Oktubre 25.
Dumaan sa x-ray machine ang bagahe ni Ortinez, hanggang may nakitang bala sa loob nito kaya agad siyang inaresto at isinailalim sa imbestigasyon ngunit mariing itinanggi ng nasabing OFW ang akusasyon sa natagpuang bala.
Mahigit 12 taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong si Ortinez, tubong Ilocos Sur at may dalawang anak.
Iniutos naman ni OWWA Administrator Rebecca J. Calzado sa OWWA Regional Office na bisitahin ang pamilya ni Ortinez matapos itong pansamantalang makalaya ngunit iniimbestigahan pa rin.
Ayon kay Calzado, ang tumatayong abogado ng OFW ay nakatakdang bumisita sa Head Office sa Manila upang talakayin ang kanyang kaso gayundin ang ipinahiwatig na interes ng pamilya Ortinez na makipag-ugnayan sa OWWA sakaling kailanganin nila ng dagdag na ayuda.
Patuloy ang pagsisikap ng OWWA Welfare Officer sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Hong Kong na kausapin ang employer ni Ortinez upang tiyakin ang termino ng trabaho nito doon.
Unang pinaalalahanan ni Administrator Calzado ang mga pasaherong OFW na maging maingat at alerto sa kanilang mga bagahe at iwasang tumanggap ng padala sa ibang tao upang maiwasang maabala o mabiktima ng mga modus sa paliparan.
Tiniyak ng OWWA na tutulungan nila ang mga OFW na pauwi at palabas ng bansa lalo na ang mga masasangkot sa tanim-bala. (Bella Gamotea)