Ibinunyag kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang kumakalat na tsismis na pumupuntirya sa mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT) program na umano’y matitigil ang cash aid program sakaling manalo ang bise-presidente sa pagkapangulo sa 2016 elections.

“We have been receiving reports that in Leyte rumors are being spread that the Vice President will not continue the CCT program,” sabi ni Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay sa usaping pulitikal.

Ayon kay Quicho, hindi ito ang unang beses na kumalat ang maling impormasyon dahil meron ding disinformation campaign sa kahalintulad na isyu sa Bicol, Western Visayas at Central Mindanao, na target ang mga benepisyaryo ng CCT.

Tiniyak naman ni Quicho sa mga residente sa Leyte na ipagpapatuloy ng pangalawang pangulo ang nasabing programa, na mas kilala sa tawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Again, we wish to reiterate that the Vice President will continue the CCT, but with improvements,” dugtong niya.

Sinabi pa ni Quicho na nangako ang Vice President na pag-iibayuhin ang sistema sa pagbibigay ng ayuda sa mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng 4Ps, upang maiwasan ang ilang hindi pagbabayad o kulang sa bayad sa mga benepisyaryo at dobleng pangalan at hindi wasto sa listahan ng mga benepisyaryo. (Bella Gamotea)