SANTIAGO, Chile (AP) — Inamin ng gobyerno ng Chile na ang Nobel-prize winning poet na si Pablo Neruda ay maaaring pinatay matapos ang kudeta noong 1973 na nagluklok kay Gen. Augusto Pinochet sa kapangyarihan.
Naglabas ang Interior Ministry ng isang pahayag noong Huwebes sa gitna ng mga ulat na si Neruda ay maaaring hindi namatay sa cancer. Inamin ng pahayag ang isang dokumento ng ministry na may petsa Marso ngayong taon, na inilathala ng pahayagang El Pais.
“It’s clearly possible and highly probable that a third party” ay responsable sa pagkamatay ni Neruda, nakasaad sa dokumento.
Si Neruda ay tanyag sa kanyang mga tula. Ngunit isa rin siyang makakaliwang politiko at diplomat at malapit na kaibigan ni Marxist President Salvador Allende, na nagpakamatay imbes na sumuko sa mga tropang pinamumunuan ni Pinochet noong Setyembre 11, 1973.
Na-trauma si Neruda, 69-anyos nang magkaroon ng prostate cancer, sa kudeta at pagpapahirap sa kanyang mga kaibigan.
Binalak niyang tumakas sa ibang bansa, kung saan magiging isa sana siyang maimpluwensiyang boses laban sa diktadurya.
Ngunit isang araw bago ang kanyang planong pag-alis, dinala siya ng ambulansiya sa Santa Maria clinic sa Santiago, upang gamutin sa kanyang karamdaman. Sa opisyal na tala, si Neruda ay namatay doon noong Setyembre 23 sa natural na kadahilanan, ngunit hindi mamatay-matay ang mga pagdududa na may kinalaman ang diktadurya sa kanyang kamatayan matapos magbalik ang Chile sa demokrasya noong 1990.
Naging napakakontrobersyal ng kamatayan ni Neruda at noong 2013 hinukay ang kanyang bangkay para sa pagsusuri.
Walang nakitang bakas ng paglason sa resulta ng mga pagsusuri, ngunit hindi nakuntento ang kanyang pamilya at ang kanyang driver at humiling ng karagdagang imbestigasyon. Ipinag-utos ng hukom, na may hawak ng kaso, ang pagsusuri sa mga substance na hindi sinilip sa unang serye ng mga pagsusuri.