Kabuuang 2, 247 kabataang atleta ang magsasama-sama at magtatagisan ng galing sa posibilidad na maging miyembro ng national training pool sa pagsasagawa ng pinaka-ultimong torneo at pambansang kampeonato ng 2015 Philippine National Youth Games (PNYG)-Batang Pinoy sa Cebu City simula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2.

Sinabi ni PSC National Secretariat chief at Batang Pinoy Project Director Atty. Ma. Fe “Jay” Alano na nagpahayag na mismo ang Cebu City ng kahandaan sa pagsasagawa ng torneo para sa mga batang atleta edad 15-anyos pababa na magsasagupa sa kabuuang 27 sports tampok ang 16 na regular at 9 na isasagawa ang national finals.

“They (Cebu) had been preparing for the Batang Pinoy national finals more than a month ago and they are ready even if we stage the tournament at this time,” sabi ni Alano.

Umabot naman sa kabuuang 958 ang nakapagkuwalipika mula sa Luzon na ginanap sa Malolos, Bulacan noong Hulyo 18 - 22 habang may 437 ang nagsipagwagi ng medalya sa ginanap na Visayas leg sa Romblon, Romblon noong Agosto 23 hanggang 28.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pangalawa sa pinaka maraming nakapasa na may 852 kabataan sa katatapos lamang na Mindanao qualifying leg na ginanap sa Koronadal City, South Cotabato nito lamang Oktubre 24 hanggang 29.

Hindi pa naman kasama sa bilang ang mga lalahok sa mga sports na isasagawa ang kanilang natatanging national finals tulad ng cycling, soft tennis, triathlon, wushu, pencak silat, handball, cheerleading, beach volleyball at ang demonstration sports na fin swimming.

Ang weightlifting na naisagawa sa Luzon leg subalit kinansela sa Visayas at Mindanao ay isasagawa ang kanilang national finals sa Cebu. Ang mga makakapag-uwi ng medalya mula sa Visayas at Mindanao ay makukuha naman ang kanilang insentibo kung magwawagi sa national finals.

Isasagawa rin sa pinakaunang pagkakataon ang beach volleyball sa torneo kasama ang cheerleading na una rin isasagawa sa host na probinsiya kasabay ng ibang sports matapos na isagawa ang mga unang edisyon sa Rizal Memorial Sports Complex.

Isasagawa naman ang gymnastics sa Manila partikular sa Rizal Memorial Gymnastics Center.

Nakatakda ring paglabanan ang athletics sa Cebu City Sports Center Track Oval, ang badminton sa Metro Sports, ang beach volleyball sa Fort San Pdero Sand Court, ang boxing sa Cebu Coliseum, ang chess sa DepEd Cebu City Division, ang futsal sa Don Bosco Technological Center gayundin ang handball.

Ang karatedo ay gagawin sa Cebu City Sports Institute, lawn tennis at soft tennis sa City Green/Alta Vista, ang rugby football sa Cebu City Sports Center Field, ang sepak takraw sa Cebu City Sports Center Gym, ang swimming sa Cebu City Sports Center Aquatic Pool, ang taekwondo sa SM City Cebu at volleyball sa Old Sacred Heart School.

(ANGIE OREDO)