Nahaharap ngayon sa kasong graft si Senator Manuel “Lito” Lapid at limang iba pa bunsod ng umano’y maanomalyang pagbili ng P5-milyon halaga ng fertilizer habang siya pa ang gobernador ng Pampanga noong 2004.

Naghain ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa dating aktor.

Kinasuhan din ng Ombudsman ang mga dating opisyal ng Pampanga na sina Benjamin Yuson, provincial accountant; at Vergel Yabut, provincial treasurer.

Inakusahan din ng pagkakasangkot sa naturang katiwalian ang mga pribadong indibiduwal na sina Ma. Victoria Aquino-Abubakar; at Leolita Aquino, mga incorporator ng Malayan Pacific Trading Corporation (MPTC); at Dexter Alexander Vasquez, may-ari ng D.A. Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resources (DAVMMFR).

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Inirekomenda ng Ombudsman ang piyansang P30,000 sa bawat akusado.

Lumitaw sa record na noong 2004 ay bumili ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga ng 3,880 litro ng Macro-Micro Folier Fertilizer mula sa MPTC sa kabuuang halaga na P4,761,818.18 o P1,250 kada litro.

Subalit nadiskubre ng Ombudsman na ang fertilizer ay overpriced ng P1,100 kada litro at ang dapat na kabuuang halaga nito ay nasa P4,268,000.

Nangyari ang transaksiyon noong Mayo 2004, habang ang MPTC ay wala pang Certificate of License to Operate at Product Registration.

Napag-alaman ng anti-graft agency na nag-apply lang ang kumpanya para sa product registration noong Agosto 15, 2005 sa Fertilizer Pesticide Authority. (JEFFREY DAMICOG)