Nahaharap ngayon sa kasong kriminal, administratibo at disbarment ang isang Regional Trial Court (RTC) judge sa Korte Suprema, base sa reklamo na inihain ng negosyanteng si Delfin Lee, na kasalukuyang nakakulong dahil sa multi-bilyong pisong real estate investment scam.

Kinasuhan ni Lee, presidente ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp., sa Office of the Court Administrator ng Korte Suprema si Executive Judge Divina Luz P. Aquino-Simbulan, ng San Fernando (Pampanga) RTC, dahil sa umano’y pangongotong, pagiging ignorante sa batas at unprofessional conduct.

Ang reklamo ay bunsod ng rekomendasyon ni Simbulan kay Judge Maria Amifaith Fider-Reyes, na may hawak sa kaso ni Lee, na ilipat ang negosyante sa isang mas maliit na detention facility sa San Fernando City o Arayat, mula sa Pampanga Provincial Jail.

Pinalagan ni Lee, na nahaharap sa kasong syndicated estafa, ang rekomendasyon ni Simbulan dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa halip na aksiyunan ang rekomendasyon ni Simbulan, ipinag-utos ni Reyes na dinggin ang isyu sa Lunes, Nobyembre 9.

Samantala, tiniyak ni Court Administrator Jose Midas P. Marquez na sisiyasatin nila ang inihaing reklamo ni Lee hinggil sa kanyang paglilipat ng piitan. (Rey G. Panaligan)