Halos wala nang isdang galunggong na mabibili sa Navotas at Malabon Fishport, resulta ng direktiba ng Bureau of Fish Aquatic Resources (BFAR) na bawal munang hulihin ang mga nasabing isda sa karagatan ng Palawan.
Maging ang mga namamakyaw ay wala nang nabibiling galunggong at kung mayroon man ay pailan-ilang kilo lang at napakamahal pa.
Umaabot na sa P180 kada kilo ng galunggong mula sa dating P100 lamang.
Isa si Aling Aida, tagarasyon ng isda, na ang paboritong itinda ay galunggong.
“Pang-masa po kasi ang galunggong, ‘di tulad ng ibang isda na mahal ang presyo, kaya ito tiis muna sa tamban at tulingan. Hindi ko kayang ibenta sa lugar namin ang lapu-lapu tiyak maraming matitira ang laki pa ng puhunan,” ani Aling Aida.
Maging sa mga palengke sa Northern Metro area ay walang nagtitinda ng galunggong, sa halip ay mga tulingan, tamban, dalagang bukid ang karaniwang isdang dagat na tinda.
Sa utos ng BFAR, ipinagbabawal ang panghuhuli ng galunggong simula Nobyembre 15, 2015 hanggang Pebrero 26, 2016.
Nabatid na nangongonti na ang populasyon ng nasabing isda kung kaya’t dapat muna itong paramihin.
Inaasahan na sa susunod na linggo ay wala na ni isang galunggong ang mabibili sa mga pantalan. (ORLY BARCALA)