DALAWANG buwan pa ang natitira sa 2015, ngunit nagpasya na ang gobyerno na mag-angkat ng hanggang isang milyong metriko tonelada ng bigas, bukod pa sa 500,000 metriko tonelada na nakatakda nang angkatin sa unang tatlong buwan ng 2016.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), layunin ng pag-aangkat na matiyak na mananatiling mababa ang presyo ng bigas sa kasagsagan ng tagtuyot na dulot ng El Niño at ng matinding pinsala ng bagyong ‘Lando’ sa mga palayan sa nakalipas na mga buwan.
Bakit pag-aangkat lang ng bigas ang agarang tugon ng gobyerno sa nakaambang kakapusan? Bakit hindi pakilusin ang agricultural resources ng bansa upang lumikha ng bahagi—kundi man lahat—ng kinakailangang bigas na pamalit sa nawaglit sa atin?
Gaya ng itinanong ni Gabriela Party-list Rep. Luz Ilagan, “Bakit hindi magawa ng gobyerno na bigyang subsidiya ang ating mga magsasaka, upang sa kanila na lang bibili ang gobyerno, upang matiyak na sapat ang supply ng bigas at maiwasan ang pagtaas ng presyo?” “Hindi prioridad ng administrasyong ito ang seguridad; kundi ang pag-aangkat,” sabi naman ng isa pang party-list congressman, si Rep. Carlos I. Zarate. Muling makikinabang ang mga pinapaborang rice importer at cartels sa bagong desisyong na mag-angkat ng karagdagang daan-libong tonelada ng bigas.
Kung magpapatuloy ang polisiyang ito, hindi na kailanman magiging sapat ang produksiyon ng bigas ng bansa sa mga pangangailangan nito. Mayroon tayong mga taniman, may mga bagong uri ng palay na sagana kapag inani at hindi naaapektuhan ng tagtuyot at baha, nariyan ang mga magsasaka na kailangan lang na pakilusin gamit ang sapat na pondo.
Kailangan din nating kumpunihin ang maraming sistema ng irigasyon na nasira na sa pagdaan ng mga taon at kailangan nating magpatayo ng mga bagong gaya nito, gayundin ng mga dam na mag-iimbak ng ulan na malayang umaagos sa taniman, patungo sa dagat. Ngunit ang mga ganitong kalalaking hakbangin ay kinakailangang ipagpaliban upang tutukan ang mas malalaking emergency.
Sa kanyang nakaraang State of the Nation Addresses, sinabi ni Pangulong Aquino na malapit nang masolusyunan ang kakapusan sa bigas. Matatapos na ang kanyang administrasyon, hindi sa ipinangako niyang saganang supply, kundi sa malawakang importasyon. Maaari ngang agarang mareresolba ng pag-aangkat ang problema, ngunit kasabay nito, dapat na ikonsidera ng gobyerno ang pagkakaroon ng mga parallel program na gagamit sa sariling resources ng bansa upang lumikha ng bahagi ng ating mga pangangailangan. May panahon para maglunsad nito sa susunod na walong buwan, bago maluklok ang panibagong administrasyon.