Ipinagmalaki ng Office of the Ombudsman sa buong mundo ang magandang ibinunga ng kampanya ng administrasyong Aquino laban sa korupsiyon sa gobyerno na umano’y ugat ng kahirapan ng karamihan sa mga Pinoy.

Ibinandera ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang achievement ng gobyernong Aquino sa kanyang talumpati sa United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) sa St. Petersburg, Russia, kamakailan.

Base sa ulat ng Transparency International (TI), sinabi ni Morales na sa loob ng limang taon, at sa 174 na bansa na isinailalim sa survey, umangat ang Pilipinas ng 54 na puwesto: mula sa ika-139 noong 2009, sa ika-85 noong 2014.

Inisa-isa ni Morales ang matagumpay na kampaya ng OMB laban sa katiwalian, tulad ng Integrity Management Program of 2014, Anti-Corruption Plan of 2015-2018 at pagpapasa ng mga batas na nagpalakas sa kapangyarihan ng Sandiganbayan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Subalit iginiit ng opisyal na marami pang dapat gawin ang gobyerno upang tuluyang masugpo ang korupsiyon sa Pilipinas.

“We cannot afford to pause and lose momentum. We celebrate our gains, but our optimism is tempered by the problems that persist, as well as challenges that may emerge,” aniya.

Isang dating associate justice ng Korte Suprema, umani ng papuri si Morales sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa maraming opisyal ng gobyerno na naglustay ng pondo ng bayan. (JUN RAMIREZ)