“Ipakita mo at ‘wag lang dakdak nang dakdak.”
Ito ang hamon ng Migrante-Middle East kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas kaugnay ng pahayag nito na ang kontrobersiya sa “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay bahagi ng destabilization plot laban sa gobyerno.
“Sa lawak ng intelligence network ng gobyerno, kaya dapat ng awtoridad na tukuyin at arestuhin sa loob ng 24 oras ang mga nasa likod ng ‘tanim bala,’ alamin ang kanilang motibo,” pahayag ni M-ME Regional Coordinator John Leonard Monterona.
“Kung naniniwala ang administrasyon ni PNoy na totoong may conspiracy upang siraan ang gobyerno, dapat silang kumilos upang maresolba ang isyu upang matuldukan na ang ‘tanim bala’ sa pamamagitan ng pag-aresto sa mga nasa likod nito,” ayon pa kay Monterona.
Ito ay bilang reaksiyon ng Migrante sa pahayag ni Roxas sa panayam sa telebisyon na may natutunugan sila na sinadya ang kontrobersiya sa ‘tanim-bala’ upang masira ang imahe ng Pilipinas sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit na idaraos sa Maynila ngayong Nobyembre.
Inakusahan ni Monterona si Roxas sa paglilihis sa isyu sa pamamagitan ng sapilitang pag-uugnay nito sa APEC meeting.
Pinasaringan ni Roxas ang isang kandidato sa pagkapangulo na nasa likod ng black propaganda campaign laban sa administrasyong Aquino gamit ang isyu ng “tanim bala.”
“LP’s Roxas comment on ‘Laglag bala’...a pure scapegoat of the government inaction and inefficiency to solve the ‘laglag bala’ modus at NAIA,” ayon sa Migrante official.
Ayon sa mga ulat, ilang overseas Filipino worker (OFW) at banyagang turista ang nabiktima na ng “tanim bala,” isang modus operandi ng umano’y mga tiwaling airport security official na nagtatanim ng bala sa bagahe ng mga pasahero para makotongan ang mga ito.
Una nang nagbanta ang Migrante na mananawagan sila sa mga OFW na huwag iboto si Roxas dahil sa kabiguan ng gobyernong matuldukan ang kontrobersiya sa “tanim bala”. (SAMUEL P. MEDENILLA)