MAS marami nang Pilipino ang nag-iimpok para sa kinabukasan, nagpaplano kung paano gagastusin ang kanilang pera, at nagbibigay ng prioridad sa kalusugan, edukasyon at mga biglaang pangangailangan sa bahay. May natirang pera matapos gastusin sa mga pangunahing pangangailangan, karamihan sa mga Pilipino ay nag-iimpok sa tradisyunal na paraan sa pamamagitan ng mga bangko, ngunit nagsasagawa rin ng mas diversified approach — pagkakaroon ng maraming bank account, ng life insurance, ng government initiated retirement plan, provident fund, at mga insurance policy na nauugnay sa investment.

Nasa mahigit tatlong milyong bagong account ang binuksan sa pagitan ng 2011 at 2014, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tinukoy ang mga survey ng World Bank (WB). Ang WB Financial Capability and Inclusion Survey na inilabas nitong Oktubre ay nagpapakita na nag-iipon ng pera ang mga Pilipino, at anim sa 10 ang nagsabing masusi nilang pinaplano kung paano gagastusin ang kanilang pera. Ayon naman sa WB Global Findex, 31.3 porsiyento ng mga Pilipino na nasa hustong gulang ang may sariling formal account, tumaas ng 4.7% noong 2014 mula sa 26.6% na iniulat ng 2011 Findex.

Ang formal account ay isang account na nasa mga financial institution — mga bangko, kooperatiba, microfinance institutions, at mobile money account — na ginagamit upang mag-impok ng pera o magpadala o tumanggap ng mga bayad at remittances. Sinasamantala ng mga Pilipino ang mga serbisyong iniaalok ng mga financial institution na ito.

Natuklasan sa Global Findex na may pagtaas sa account penetration sa magkakaiba ang kinikita, kasarian, edad, at natapos na edukasyon. Ang percentage ng mahihirap na Pilipino na may formal account ay tumaas ng 7.1%, nasa 17.8% noong 2014 mula sa 10.7% noong 2011.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang Global Findex ang pinakakomprehensibong database sa financial inclusion; ang mga indicator ay hinalaw sa survey data at mga panayam mula sa mahigit 150,000 respondent mula sa 143 bansa, kabilang ang Pilipinas, na kumakatawan sa mahigit 97% ng populasyon ng mga nasa hustong gulang sa mundo.

Ang financial inclusion ay kung may epektibong access ang mga Pilipino sa iba’t ibang serbisyong pinansiyal, ayon sa BSO. Tinukoy nito ang pagtaas ng mga deposito sa bangko ng 8.2% para maging P6.8 trilyon sa unang kalahati ng 2015, mula sa P6.3 trilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa Report on Economic and Financial Developments for the Second Quarter 2015 nito, sinabi ng BSP na ang mga deposito sa bangko ay mas mataas ng P500 bilyon noong Enero hanggang Hunyo ngayong taon, itinaas ang kabuuang resources ng sistema ng pagbabangko ng 8.6% sa P11.5 trilyon sa pagtatapos ng Hunyo ngayong taon, mula sa P10.6 trilyon nang magtapos ang Hunyo noong nakaraang taon, nasa 88.8% ng Gross Domestic Product sa unang kalahati ng taon.

Ang paglago ng mga deposito sa bangkot ay nangangahulugan ng nagpapatuloy na kumpiyansa ng publiko sa sistema ng pagbabangko at sa kakayahan ng mga Pilipino na mag-impok para sa iba’t ibang pangangailangan, gayundin sa pagsisikap ng BSP na ilapit sa mamamayang ang sistemang pinansiyal. Maraming retirado at pensiyonado ang pinipiling ipunin ang kanilang pera sa mga bangko, habang may mga batang propesyunal naman ang inilalagay ang kanilang pera sa time deposits. Ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa ay maaari namang makapagpadala ng pera sa bansa upang masigurong may pera sa bangko para sa mga emergency.