CAGAYAN DE ORO CITY – Inilagay ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) ang buong isla ng Mindanao sa “red alert” noong Miyerkules kasabay ng paghahayag ng 40 megawatts na kukulangan sa kuryente at diumano’y tumaas na banta ng pambobomba sa mga linya ng kuryente.

“With the return of the generating facilities of STEAG Power in Misamis Oriental and Mt. Apo in Davao, the power deficiency, as of Nov. 3, is pegged at 40MW, placing the Mindanao Grid on red alert,” saad sa pahayag ng NGCP.

Sinabi ni Elizabeth Ladaga, pinuno ng corporate communication department ng NGCP, na magkakaiba ang haba ng power interruption na mararanasan ng mga consumer sa ilang bahagi ng Mindanao, depende sa kanilang distribution utilities.

Sinisi ni Ladaga ang manaka-nakang pambobomba sa iba’t ibang power line tower sa Lanao Del Sur, na naging pangunahing sanhi ng mga power interruption sa ilang lugar sa Mindanao.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nakapagtala na ang NGCP ng pitong pambobomba sa iba’t ibang power transmission line sa Mindanao mula Enero hanggang Oktubre ng taong ito, ayon kay Ladaga.

Sinabi ni Ladaga na ang huli ay ang pagpapabagsak sa dalawang power transmission tower sa Marawi City noong Oktubre 29, na nagresulta sa 150 megawatts na kakulangan ng kuryente sa Mindanao Grid na sinu-supply ng Agus 1 at Agus 2 Hydropower plant sa Lanao Del Sur.

Sinabi ni Ladaga na umapela na ang NGCP sa publiko na tumulong sa pagbantay sa kaligtasan ng mga tower upang hindi maantala ang paghahatid ng mga serbisyo.

Umapela rin ang NGCP sa mga lokal na pamahalaan at sa Philippine Army ng tumulong sa pagresolba sa tumitinding problema sa seguridad at right-of-way sa mga power transmission line sa Mindanao. (Philippine News Agency)