Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator ng colorum na school bus matapos hatakin ng ahensiya ang isang kakarag-karag na unit na naghahatid ng mga estudyante sa isang paaralan sa Marikina City, kamakalawa.
Tinukoy ng LTFRB ang isang puting mini-bus (NXA-892) na walang plaka at naaktuhang naghahatid ng mga mag-aaral sa mga gilid-gilid dahil sa pangambang mahuli ito dahil sa pagiging kolorum.
“Mayroon itong berdeng plaka pero hindi pininturahan ng dilaw na itinakda sa mga school bus. Phase out na rin ang modelo at mali ang mga specification,” ayon kay LTFRB Board Member Ariel Inton.
Nang sitahin ng mga tauhan ng LTFRB, sinabi ni Inton na umamin ang driver ng bus na ang sasakyan ay kolorum.
Aniya, natunton nila ang kinaroroonan ng bus matapos itimbre ng isang school bus association dahil sa peligrong idinudulot nito sa mga estudyanteng pasahero.
Sinabi pa ng opisyal na mahigit 70 school bus ang target na hulihin ng LTFRB sa mga susunod na araw.
Iginiit pa niya na pagmumultahin ang bawat colorum na school bus ng P200,000 matapos itong hatakin sa impounding area.
Pinaalalahanan ni Inton ang mga magulang na huwag ikompromiso ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagkuha sa serbisyo ng mga colorum school bus na karaniwang nag-aalok ng murang service fee.
“The schools might not even know about the operations of these colorum school buses because they take great care in dropping students off at a distant location so as not to be spotted by authorities,” paliwanag ni Inton.
(Czarina Nicole O. Ong)