Isang 38–anyos na Japanese ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Office of Transportation Security (OTS) at Philippine National Police (PNP) matapos mahulihan ng shabu sa Mactan-Cebu International Airport kamakalawa.
Sa report ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. kinilala ang suspek na si Shinji Mori, international car racer, at tubong Osaka, Japan.
Dakong 6:45 ng umaga, inaresto si Mori sa random check inspection sa departure area ng nabanggit na paliparan.
Nakumpiska sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu at isang deformed glass tube na ginagamit na improvised tooter na nakabalot sa tissue paper.
Nakadetine ngayon ang Japanese sa PDEA-Regional Office 7 at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (JUN FABON)