Hinatulang makulong ng hanggang 18 taon sina dating Sarangani governor Miguel Escobar at provincial agriculturist Romeo Miole dahil sa maanomalyang pamamahagi ng bigas.
Sinabi ng Sandiganbayan na sina Escobar at Miole ay napatunayang nagkasala sa kasong malversation of public funds nang mamamahagi ng 1,875 sako ng bigas sa mga opisyal ng barangay at munisipyo, ilang araw bago ang halalang 2002.
Ang mga bigas ay bahagi ng Sagip Taniman Project para sa kabuhayan at rehabilitasyon ng mga magsasakang naapektuhan ng La Niña.
Inaprubahan umano ni Escobar ang disbursement voucher, purchase request, purchase order at requisition at issue slip para sa pagbili ng mga bigas.
Si Miole naman ang bumuo ng project design at nagsertipika ng disbursement voucher nito.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan 3rd division, kapwa hindi na papayagan sina Escobar at Miole na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan at pinagbabayad ng multang P1.44 milyon bilang danyos. (JUN FABON)