Isang taon matapos salakayin ng awtoridad ang mga kubol ng tinaguriang “19 Bilibid Kings,” nakasamsam pa rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga armas, droga at iba pang kontrabando sa mga dormitory ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Labing walong grupo ng mga operatiba ng Bureau of Corrections (BuCor), Philippine National Police (PNP) Special Weapons and Tactics (SWAT), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sumalakay sa Maximum Security Compound ng NBP, na roon nadiskubre ang malaking bulto ng mga armas, electronic gadget at iba pang kontrabando.

Ito na ang ikalawang pagsalakay na inilunsad ng awtoridad sa NBP matapos ang pagpatay sa convicted jail warden na si Charlie Quidato, lider ng Commando Gang, nitong nakaraang buwan.

Sinabi ni NBP Spokesman Robert Olaguer na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ang Dormitories 2, 5, at 9, na roon nakapiit ang mga miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik, De Cuerna at Genuine Ilocano (GI).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“I think matagal nang nakatago ‘yung mga firearms. It took years para maipon ‘yun. Now lang natin nadi-discover. May mga info kasi na sa inmates din galing,” pahayag ni Olaguer.

Nabawi ng awtoridad sa mga preso ang mga sex toy, drug paraphernalia, mahigit sa 60 patalim, wooden knuckle, LCD television at maging personal refrigerator.

Nasamsam din ng raiding team mula sa mga bilanggo ang ilang mamahaling cell phone, charger at baril bukod pa sa P140,000 cash.

Sinabi ng NBP officials na pagpapaliwanagin ang mga jail guard kung paano nakapasok sa pasilidad ang mga naturang kontrabando. (Leonard D. Postrado)