Upang matuldukan na ang espekulasyon na sila ay magkapatid sa dugo, inihayag kahapon ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na handa na siyang sumailalim sa DNA test.

Sa “Kapihan sa Senado” media forum, sinabi ni Marcos na napapanahon na upang matukoy kung sila nga ay tunay na magkapatid, dahil ginagamit na political issue ang citizenship laban kay Poe.

Kamakailan, inamin din ni Poe na negatibo ang resulta ng DNA test na isinagawa sa dalawang katao na unang pinaniniwalaang kamag-anak ng senadora.

“Sure pa-DNA (test) ako, walang problema,” pahayag ni Bongbong nang tanungin ng mamamahayag kung handa siyang tulungan si Poe sa bumabagabag na isyu sa citizenship ng huli.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matagal na lumulutang ang espekulasyon na sina Bongbong at Grace ay magkapatid sa ama, dahil anak umano ang senadora ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa dating aktres na si Rosemarie Sonora.

Si Sonora ay nakababatang kapatid ng premyadong aktres na si Susan Roces na asawa naman ni “The King” Fernando Poe Jr..

Sina FPJ at Roces ang umampon kay Poe nang iwan umano ang huli ng kanyang mga magulang sa isang simbahan sa Iloilo ilang araw matapos siyang isilang noong Setyembre 1968.

Dahil sa hindi humuhupa ang tsismis na sila’y “magkapatid,” nagkatuwaan sina Bongbong at Grace na lantarang tawagin ang isa’t isa ng “sis” at “bro.”

“I don’t see how will that help her but if it will, why not?” dagdag ni Bongbong.

“Wala naman akong makikita sa DNA test? Na anak ako ng tatay ko at nanay ko,” ayon kay Marcos, tinutukoy sina dating Pangulong Marcos at dating First Lady at ngayo’y Ilocos Rep. Imelda Romualdez Marcos.

Dahil sa kontrobersiya sa citizenship ni Poe, ilang grupo na ang naghain ng disqualification case laban sa kanya kaugnay ng kanyang pagkandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections. (HANNAH TORREGOZA)