Nahaharap sa pagkakakulong ang mga estudyanteng nambu-bully sa paaralan sa Maynila matapos maaprubahan ng Konseho ang ordinansang mahigpit na nagbabawal dito.

Saklaw ng City Ordinance 8424 o Anti-Bullying Ordinance, ang pambu-bully na physical, verbal, written o electronic na magdudulot ng takot, kahihiyan o pisikal na pananakit sa isang estudyante.

Sumasailalim din sa naturang ordinansa ang sexual bullying sa pamamagitan ng panghihipo sa ano mang bahagi ng katawan ng isang estudyante na ikaiirita o ikahihiya nito.

Parurusahan ng pangasiwaan ng paaralan ang mga estudyanteng nambu-bully na may edad 18 taong gulang pataas, base sa umiiral na regulasyon ng institusyon subalit nahaharap din sa pagkakakulong mula isang buwan hanggang anim na buwan o pagmumultahin ng P1,000 hanggang P3,000.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Posible ring patawan ng dalawang parusa depende sa desisyon ng korte.

At kung ang nagkasala ay may edad na mas mababa sa 18 anyos, parurusahan ito base sa probisyon ng Juvenille Justice Welfare Act.

“Any school personnel who commits any act of bullying or induce or instigate a student to commit the same, shall, in addition to civil and administrative liabilities, be criminally liable under this ordinance and meet the penalty of six months to one year imprisonment or a fine ranging from P3,000 to P5,000 or both at the discretion of the court,” saad sa ordinansa.

Inoobliga rin ng City Ordinance ang pagtatatag ng anti-bullying committee sa mga pribado at pampublikong paaralan sa Maynila. Ito ay kinabibilangan ng administrator, principal, guidance counselor, pangulo ng student government, faculty president at General Parents-Teachers Association na babalangkas ng mga estratehiya laban sa bullying sa paaralan. (Jenny F. Manongdo)