Nagtala ng podium finish sina Mark John Lexer Galedo at Marcelo Felipe habang sinamahan sila ng dalawang kakamping sina Butch Ryan Cuyubit at Baler Ravina sa top 10 sa fifth at final stage ng katatapos na Tour of Borneo 2015 upang maangkin ng 7-Eleven by Roadbike Philippines ang kampeonato sa team classification ng limang araw na karera na klasipikadong 2.2 race ng world cycling body na Union Cycliste International(UCI).

Tumapos na pangalawa at pangatlo sina Galedo at Felipe sa stage winner na si Peeter Pruus ng Estonia na tinapos ang pinakamahaba at huling stage na may distansiyang 181.10 kilometro mula Kudat hanggang Kundasang sa tiyempong 5 oras, 19 na minuto at 17 segundo.

Kapwa nagtala ang dalawang Pinoy ng identical clocking na nahuli lamang ng isang minuto at 14 segundo sa tinanghal ding individual classification champion na si Pruus.

Nagtapos namang pang-anim at pangwalo sina Cuyubit at Ravina sa stage ayon sa pagkakasunod upang pormal na maangkin ng 7-Eleven ang titulo sa overall gereal team classification gayundin sa General classification for Asian teams.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bukod sa pagkakampeon ng kanilang koponan, tumapos ding third overall si Galedo sa individual classification kung saan nanguna si Pruus (16:16:27) at pumangalawa si Indonesian Hari Fitrianto ng CCN (16:18:74) sa natipon nitong oras na 16:19:33.

Kasama niyang tumapos sa top 10 sina Felipe at Cuyubit na nasa ika-6 at ika-8 posisyon, may 5:42 at 16:31 ang layo sa nangunang Estonian rider.

Inungusan ng 7-Eleven ang Pegasus Continental Cycling Team at ang Rietumu-Delfin Continental Cycling Team para sa team honors.

Kasama rin nila sa team sina Dominic Perez na nagtala ng 5th place stage finish noong Stage 3 ng karera sa Menumbok hanggang Kuala Penyu at si Nelson Martin. (Marivic Awitan)