SINABI ng Social Weather Stations (SWS) na 3.5 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas kamakailan ng gutom dahil sa kawalan ng makakain.
Marami pa ring Pinoy ang nagugutom. Kaya pakainin at tulungan natin sila.
***
Sa huling nationwide survey (Setyembre 2-5), iniulat ng SWS na 15.7 porsiyento—o tinatayang 3.5 milyong pamilya—ang nakaranas ng gutom kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, mas mataas ng 12.7 porsiyento sa second-quarter survey.
Patuloy sa pagtaas ang bilang na ito. Dapat na sigurong mabahala ang gobyerno at ang pribadong sektor.
***
Ayon sa SWS, ang pagtaas ng hunger rate ay pinakamalaki sa Mindanao sa 21.7 porsiyento at sa Luzon (sa labas ng Metro Manila) sa 14.7 porsiyento, bagamat nanatili lang sa 18.3 porsiyento sa Metro Manila. The figures speak for themselves. Hindi na makapagsalita ang mga kumakalam ang sikmura.
***
Ayon pa sa survey, bumaba ng 9.3 porsiyento ang insidente ng pagkagutom sa Visayas, mula sa dating 11.7 porsiyento.
Paborable, pero mahirap paniwalaan para sa atin.
***
Samantala, binatikos ng mga kongresista ang umano’y kabiguan ng gobyerno na gumastos ng mahigit P1 bilyon na emergency funds mula sa mga lokal at dayuhang donasyon, at isang bahagi ng calamity funds para agad na makatugon sa mga sinalanta ng kalamidad.
Hindi paggamit ng public funds, noted. Nag-ambag ba ito sa problema sa pagkagutom?
***
Nanawagan si Negros Occidental Rep. Alfredo “Albee” Benitez ng agarang congressional inquiry sa napaulat na “calamity underspending”, gaya ng ibinunyag ng Commission on Audit (COA), sinabing nangangailangan ito ng “a full-blown investigation.”
***
Sa 2014 annual audit report na inilabas kamakailan ng COA para sa Office of Civil Defense (OCD), sinabi ng komisyon na nasa P1 bilyon ang natipid ng ahensiya sa kabila ng matinding pinsala.
Double jeopardy o “double calamity”?
Dagdag ng COA, hindi nagamit ang pondo kaya napagdamutan ng mga kinakailangang benepisyo at tulong ang mga labis na nangangailangan nito.
Masaklap ang aral na natutuhan. Assistance delayed is assistance denied. Tsk, tsk! (FRED M. LOBO)