Muling nanawagan ang Malacañang para sa maagang pagpasa ng 2016 national budget at panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa pagbabalik ng sesyon ng Senado at House of Representatives ngayong Martes.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na ang administrasyong Aquino ay mayroong limang matagumpay na ipinasang budget simula 2011.
”We have no reenacted (budget). So we hope that the (2016) budget will be passed on time before the yearend so that we can immediately implement the budget for the next year,” sabi ni Lacierda.
Sinimulan na ng House of Representatives ang plenary deliberation sa panukalang P3.002 trillion national budget para sa 2016 habang tinatalakay na ito sa Senate Finance Committee.
Samantala, pinagdedebatehan na sa Senado ang substitute bill ng BBL, ang Basic Law on the Bangsamoro Administrative Region (BLBAR), na kapag naipasa ay papalitan ang umiiral na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
”Senate President Franklin Drilon and Speaker (Feliciano) Belmonte are one with us in pushing this BBL. This is really a bill that will secure the lasting peace and development (in Mindanao). There will be no development without peace; there will be no peace without development,” sabi ni Lacierda. (PNA)