Sa kabila ng matinding kontrobersiya kaugnay ng mga insidente ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinabi ng Department of Tourism (DoT) na hindi ito nakaaapekto sa dagsa ng mga turista sa bansa.

“Mataas pa rin ang tourism arrival numbers, at hindi naapektuhan ng sinasabing scam,” pahayag ni Tourism Promotions Board (TPB) Chief Operating Officer at Vice Chairperson Domingo Enerio III sa isang text message.

Kumpiyansa si Enerio na agad na tutugunan ng mga awtoridad ang kontrobersiyal na usapin upang matiyak sa mga turista na nananatiling ligtas bumiyahe sa bansa.

“Nag-iimbestiga na ang DoTC (Department of Transportation and Communications) sa isyu, katulong ang MIAA (Manila International Airport Authority) at iba pang ahensiya,” sabi ni Enerio.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa huling datos mula sa DoT, tumaas ng 9.8 porsiyento ang tourist arrivals sa bansa at nakapagtala ng 480,689 pagbisita noong Agosto, kumpara sa 405,970 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Hindi pa inilalabas ng DoT dahil kinukumpleto pa ang datos nito para sa Setyembre at Oktubre. (Samuel P. Medenilla)