KUNG ginulat ng Guatemala ang buong mundo nang ihalal nila bilang pangulo ang komedyanteng si Jimmy Morales dahil sa laganap na kurapsiyon doon, hindi siguro nakapagtataka kung ihalal naman ng mga Pinoy bilang pangulo ang isang Pulot o Ampon sa katauhan ni Sen. Grace Poe. O kaya’y ihalal ang isang mamamatay-kriminal sa katauhan naman ni Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ng Davao City. Ang problema, karamihan sa inihahalal ng mga Pilipino ay abogado o kaya’y ekonomista pero, hindi rin umuunlad ang bansa dahil ang inaatupag nila ay punuin ang kanilang mga bulsa at magpasarap sa puwesto.
Talagang ayaw tumakbo ni Mayor Digong sa 2016 presidential elections. Matigas ang ulo at hindi mahikayat ng mga supporter. Ang gusto yata niya ay manatiling alkalde ng lungsod dahil may sarili siyang kaharian doon at kahit anong oras ay maaari niyang patayin ang mga drug lord, smuggler, kriminal at ipakain sa isda ang mga bulok na pulitiko.
Kahit daw gumawa ng paraan ang Comelec para makakandidato siya sa May 2016 polls ay hindi siya mapipilit. Kahit daw ipasiya ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) na tumakbo siya bilang substitute ni NCR PDP-Laban Sec. General Martian Diño, na idineklarang nuisance candidate, hindi pa rin siya tatakbo. Kung ganoon, bakit siya pipilitin?
Ganito ang pahayag ni Digong: “My stand is still the same and nothing has changed. I am not running for president. I have no ambition to become president. I don’t have the stomach for it.” Dagdag pa niya sa Cebuano: “Maayo pa sila, buot-buot”, ibig sabihin mabuti pa sila (mga opisyal ng partido) ay nagpasiya nang hindi ako kinukunsulta.
Gayunman, hindi pa raw siya nakatatanggap ng formal letter mula sa PDP-Laban. Bakit ba maraming humahanga sa kanya?
Bakit gusto nilang siya ang pumalit kay PNoy? Dahil siya ba ay tough-talking politician na papatay ng mga kriminal at itatapon sa ilog ang mga bulok na pulitiko na kawatan ng pera ng bayan?
Bakit? Hindi ba kayang gawing linisin nina Grace Poe, Jojo Binay, Mar Roxas at Miriam Santiago ang bansa sa pagkalubalob sa kurapsiyon, at ayusin ang peace and order?
Bakit walang lumilitaw na tulad nina Lee Kwan Yew ng Singapore at Mahathir Mohamad ng Malaysia na gumabay sa kanilang mga bansa tungo sa “Tamang Daan”. Daan sa kaunlaran, kapayapaan at pagkakaisa. Sana ay kasihan tayo ng Kalangitan na isang lider ang maihalal na ang kapakanan, kagalingan at kabutihan ng 100 milyong Pilipino ang nasa isip at puso at hindi ang personal na interes!