DAVAO CITY – Magpapatuloy pa sa mga susunod na araw ang dalawa at kalahating oras na rotational brownout sa lungsod na ito, habang kinukumpleto pa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pagkukumpuni sa tower nito na matinding napinsala sa pambobomba.

Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Davao Light and Power Company (DLPC) Executive Vice President at CEO Arturo Milan na hindi sila makapagbigay ng eksaktong petsa sa kanilang mga kostumer kaugnay ng pagtatapos ng rotational brownouts hanggang hindi pa nakukumpuni ng NGCP ang nasirang tower nito.

Bukod dito, tinukoy din ni Milan ang kakaunting supply ng tubig sa Agus Pulangi hydropower, kaya hindi stable ang kuryente sa Mindanao.

Sa kasalukuyan, ang DLPC ay may contracted power na 407.50MW mula sa iba’t ibang supplier, kabilang ang NPC, na may 274MW; Hedcor Sibulan, 49.50MW; Hedcor Talomo, 4.00MW; Therma Marine, 30.00MW; at Therma South, 50MW.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa kasalukuyang peak demand na 348.00MW, ang DLPC ay dapat na may 59.50MW pasobra mula sa kabuuang kinontratang kuryente.

Oktubre 29 nang iulat ng NGCP ang pambobomba at pagkasira ng tower nito sa nagta-transmit ng 260MW mula sa Agus 1 at 2 complexes sa iba’t ibang lugar sa Southern Mindanao.

Una nang sinabi ng NGCP na aabutin ng pito hanggang 10 araw ang pagkukumpuni sa tower. (Alexander D. Lopez)