GINUGUNITA ng bansa si Pangulong Carlos P. Garcia sa ika-119 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan ngayong Nobyembre 4. Siya ang ikawalong presidente ng Pilipinas na naglingkod mula 1957 hanggang 1961. Ang kanyang polisiyang “Filipino First” ay nagpatibay sa kalayaan sa ekonomiya at soberanya ng bansa, at nagbigay ng proteksiyon sa kapakanan ng mga negosyanteng Pilipino laban sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ang commemorative rites upang bigyang-pugay ang kanyang pamanang nasyonalismo, bigay-todong serbisyo, at mahusay na pamamahala ay isasagawa sa kanyang puntod sa Libingan ng mga Bayani, at sa Tagbilaran City, Bohol, ang kanyang bayang sinilangan, na roon ay makikita ang kanyang marmol na estatwa sa gitna ng memorial park, at ang kanyang memorabilia ay naka-display sa isang museo. Isang bayan sa Bohol ang ipinangalan din sa kanya.
Dumadalo siya sa Southeast Asia Treaty Organization (SEATO) Conference sa Australia nang ipaalam sa kanya na nasawi si Pangulong Ramon F. Magsaysay sa pagbagsak ng isang eroplano sa Cebu. Pinagsilbihan niya ang natitirang termino ni Pangulong Magsaysay noong Marso 17, 1957, at nahalal para sa isang buong termino.
Sa kanyang pagkapangulo, nabuo ang Bohlen-Serrano Agreement na nagpaikli sa pananatili ng mga base-militar ng Amerika sa 25 taon mula sa 99 na taon, at maaaring i-renew kada limang taon. Pinasimulan din niya ang mga istriktong programa, binago ang kalakalan sa pagtitingi, at binuhay ang sining at kultura ng mga Pilipino. Isang makata, mananalumpati at guro, tinawag siyang “Prince of Visayan Poets” at “Bard from Bohol.”
Bago naging presidente, nagsikap siya para mapag-ibayo ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika at isinulong ang higit na paglalapit ng magkakalapit-bansa sa Asia. Matapos ang digmaan, nakibahagi siya sa mga misyon sa Washington upang tiyakin ang rehabilitasyon ng Pilipinas at masigurong mababayaran ang pinsalang natamo ng bansa. Naging delegado siya sa Interparliamentary Union Conference sa Ireland at sa World Conference sa California upang malikha ang United Nations Charter noong 1945. Siya ang chairman ng SEATO Conference sa Maynila noong 1954, na bumuo sa Manila Treaty at Pacific Charter. Isa siya sa mga nagtatag sa Association for Southeast Asia, na ngayon ay Association of Southeast Asian Nations, noong 1963.
Isinilang sa Talibon, Bohol, noong 1896, tinapos niya ang kanyang pre-law sa Silliman University, at ang kanyang law degree bilang iskolar ng Malcolm sa Philippine Law School, nagtapos na valedictorian noong 1923. Ikapito siya sa mga nanguna sa Bar examination.
Sumabak siya sa pulitika sa Bohol at nagsilbi sa tatlong termino (1925-1931) bilang kongresista ng ikatlong distrito, at tatlong termino (1933-1941) bilang gobernador. Sa loob ng 13 taon (1941-1954), nagsilbi siya sa Senado ng Pilipinas, at pinamunuan niya ang iba’t ibang komite—government reorganization, usaping panlabas, mga pagawaing pambayan, at hudikatura—at naging kasapi ng Senate Electoral Tribunal. Mula 1946 hanggang 1951, siya ang Senate minority floor leader.
Nagretiro siya sa Bohol matapos bumaba sa puwesto bilang pangulo. Noong Hunyo 1, 1971, inihalal siya bilang delegado at presidente ng 1971 Constitutional Convention. Sumakabilang-buhay siya noong Hunyo 14, 1971.