KUNG ano man ang itawag sa kanila: tanim-bala, laglag-bala, singit-bala at kung ano pa man ay iisa lang ang kahulugan nito. Ito ay extortion racket na bumibiktima sa mga pasaherong Pilipino at dayuhan na patungo at paalis ng bansa. Ilang beses na namin naging paksa ang raket na ito ngunit hindi nakasasawang talakayin sapagkat ito ay isang “pambansang kahihiyan”.

Matagal na itong tinatalakay sa telebisyon, radyo, diyaryo at kalat na rin sa social media ang tungkol sa nakasusulasok na raket sa Ninoy Aquino International Airport ngunit hindi masugpu-sugpo.

Nakapagtataka na sa kabila ng malawakang pagpapaala ng media sa publiko na may mga halang ang bituka na naglalagay ng bala sa bag ng mga pasahero ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima na napipilitang maglabas ng pera kapalit ng kanilang paglaya at matuloy sa kanilang paglalakbay. Napakasagwang sistema!

Ikaw na isang pasahero na kampante na makapaglalakbay at makararating sa iyong destinasyon ay biglang mahuhulihan ng bala? Saan galing ang bala? Hulog ba ito ng langit o tanim ng mga hudas sa airport?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi lang iilan ang nagiging biktima at nagrereklamong mga pasahero tungkol dito at may kasama pang ilang dayuhan.

Sigurado na ang mga dayuhang nabiktima nito ay ipinagkalat na sa kanilang bansa ang tungkol sa kawalang-hiyaang ito na nangyayari sa ating paliparan na ipinangalan pa naman sa dakilang ama ng ating Pangulo.

Kamakailan lamang ay isang 64 na taong gulang na babae ang hinarang sa NAIA 1 na patungo sana sa Singapore. Nakitaan umano ng bala ang bulsa ng shoulder bag nito at hindi raw ito kagagawan ng tanim-bala ayon sa tauhan ng NAIA. Sabi naman ng matandang babae, ang security officer daw ng airport ay manananim at madyikero.

Kung iisipin, isang matandang manlalakbay na patungo sa Singapore ay magdadala ng bala sa kanyang shoulder bag?

Nahihibang ba ang matanda? Hindi naman siguro? Ang nahihibang ngayon ay ang mamamayang nag-iisip.

Kalat na ang pagtatanim ng balang ito sa NAIA.

Kailangan kumilos na rito ang kinauukulan pati na ang Malacañang sapagkat bababa sa puwesto si Pangulong Aquino na ang pamanang maiiwan sa sambayanan ay “Pambansang Kahihiyan”! (ROD SALANDANAN)