Umapela kahapon ang Sangguniang Panglungsod ng Valenzuela sa pamunuan ng Department of Environment National Resources (DENR) na tulungan silang pigilan ang isang developer na putulin ang may 200 matatandang puno sa isang barangay sa lungsod.
Ayon kay First District Councilor Rovin Feliciano, plano ng Filvest Land, Inc. na putulin ang may 200 puno sa Febias Compond sa Barangay Karuhatan.
May sukat na limang ektarya ang lupain na dating pag-aari ng Far Eastern Broadcasting Corp., at nabatid na plano itong gawing condominium.
Upang maisakatuparan ang nasabing proyekto, nais ng developer na putulin ang mga puno na halos 50 taon nang nakatanim sa lugar.
Dahil dito, nagsumite ng Kapasyahan Blg. 2015-548 sa Konseho si Feliciano upang himukin ang mga kapwa niya konsehal na tutulan ang pagputol sa mga puno.
Giit ng konsehal, dapat sundin ng Filvest Land, Inc. ang Presidential Decree No. 705, na nagbabawal sa pagputol ng mga puno, dahil ang kawalan nito ay nagdudulot ng baha. (Orly L. Barcala)