SA layuning makontrol ang lumolobong populasyon nito, nagpatupad ang China ng one-child-per-family policy noong 1979. Ang mga hindi planadong pagbubuntis ay may katapat na malaking multa. Sa maraming kaso, ang polisiya ay nagbubunsod ng aborsiyon, puwersahang sterilization, at pagpatay sa sanggol. Sa unang 20 taon ng pagpapatupad nito, nakatulong ang polisiya sa pagbabawas sa populasyon ng bansa ng hanggang 100 milyong katao.
Noong nakaraang linggo, inihayag ng Communist Party ng China ang malaking pagbabago sa polisiya. Pinahihintulutan na ngayon ang mga mag-asawa na magkaroon ng hanggang dalawang anak. Ang dahilan: Matapos ang isang dekadang pagpapatupad ng one-child policy, bumagsak ang working-age population ng China noong 2012. Ang pagbabago sa polisiya ay isang aktibong pagtugon sa tumatandang populasyon, sa harap ng mga pangamba sa nananamlay na ekonomiya ng bansa.
Tinawag ng isang eksperto sa mga demograpiko at panlipunang pagbabago sa China ang bagong polisiya na isang “historic event”, ngunit sinabing huli na ito upang mapigilan ang mga negatibong epekto ng one-child policy sa ekonomiya at lipunan ng China. Umapela naman sa China ang isa pang kritiko na tuluyan nang tuldukan ang lahat ng pagmamaniobra sa mga desisyon ng mamamayan tungkol sa pag-aanak, upang maresolba ang problema sa populasyon na resulta ng one-child policy, gayundin bilang respeto sa mga karapatang pantao.
Hindi pa nagagawa ng Pilipinas ang paraan ng pagpaplano ng pamilya na gaya ng sa China, ngunit nagpapatupad ito ng isang programa na kinukuwestiyon naman ng Simbahang Katoliko. Alinsunod sa Reproductive Health (RH) bill, na pinagtibay bilang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act noong 2012, desidido ang gobyerno na pigilan ang paglobo ng populasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malawak na access sa mga paraan kontra sa pagbubuntis, gaya ng fertility control, sex education, at maternal care. Ang malawakang pamamahagi ng mga gamit sa pagpaplano ng pamilya, gaya ng mga condom at birth control pills, ay mariing tinututulan ng Simbahan. Hanggang ngayon, hindi pa rin nagkakasundo ang gobyerno at ang Simbahan tungkol sa RH bill.
Sa pagbabago sa polisiya ng China sa populasyon, inihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBSP) na umaasa itong matututo ang mga opisyal ng Pilipinas sa karanasan ng China, at iginiit na hindi dapat ituring na hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya ang mamamayan nito. Sagrado ang buhay, ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Public Affairs Committee. “Ang lakas ng bansa ay nakasalalay sa ating mamamayan.”
Maigting namang isinulong ng administrasyong Aquino ang RH bill noong isinasailalim pa lang ito sa prosesong lehislatibo, at sinabi ng ilang sektor na may kinalaman ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pagkakaapruba nito sa Kongreso. Ang RH ay isa na ngayong malaking bahagi ng programang pangkalusugan ng gobyerno.
Gayunman, umaasa ang CBCP na ang naging karanasan ng China sa programa nito sa populasyon at ang pagbabago nito kamakailan ay masusing pag-aaralan ng mga opisyal ng Pilipinas. Maaaring may mga aral tayong matutuhan at may mga implikasyon na makaaapekto sa sarili nating programa sa populasyon.