TULAD ni Gov. Vilma Santos-Recto ay hindi makuhang talikuran ni Alfred Vargas ang kaway ng pagganap. Basta’t makabuluhan ang proyekto, kahit walk-on part o walang dialogue ay aprub sa kongresista. Isa siya sa maraming artistang nag-ambag ng talino sa makasaysayang Felix Manalo.
Isa sa libu-libong nasiyahan sa panonood ng Heneral Luna si Alfred.
“Producer din ako ng indie at alam ko ang hirap na dinadanas lalo na nga’t limitado ang budget at promosyon. Happy ako sa tagumpay na tinatamo ng Heneral Luna at sana ay makapasok ito sa Oscar race sa February 2016. Ang lalo ko pang ikinatutuwa ay ang nabuhay na interes among moviegoers sa mga pelikulang historical in nature.”
Sa pangyayaring ito ay balak ni Alfred na muling ipalabas ang Supremo na prinodyus at pinagbidahan niya ilang taon na ang nakalilipas.
Bagama’t buong oras ay kinakain ng pulitika, sisikapin ni Alfred na kahit man lang once a year ay makagawa siya ng pelikula o kaya’y makalabas sa isang teleserye. Ang pagsasapelikula ng buhay ni Manuel L. Quezon ay plano din niyang gawin sa 2016 matapos ang halalan.
“Missed ko ang showbiz at mahirap talikuran ang isang propesyong bumuhay at naging mabait sa akin,” wika ni Alfred who is seeking a second term bilang kongresista para sa fifth district ng Quezon City. (Remy Umerez)