Nakakulimbat din umano si dating Association of Philippine Electric Cooperatives (APEC) Rep. Edgar Valdez ng milyun-milyong piso mula sa “pork barrel fund” scam gamit ang mga bogus na non-government organization (NGO) ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Ito ang inihayag ni Joeshias Tambago, bank investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), sa pagdinig sa Sandiganbayan Fifth Division nitong Lunes matapos matukoy ng ahensiya ang mga pondong natanggap ng dating mambabatas na nanggaling sa bank account ng mga bogus na NGO ni Napoles.
Sinabi ni Tambago na nakadiskubre sila ng P51.9 milyon sa limang bank account ni Valdez.
Subalit inamin ni Tambago sa korte na hindi na nila natukoy ang uri ng transaksiyong ginamit ni Valdez sa pagkuha ng pondo sa mga NGO ni Napoles.
Iginiit din ng AMLC investigator na ginamit umano ni Valdez ang bank account ng asawa nitong si Thelma upang maideposito ang kanyang nakomisyon sa mga pekeng NGO.
Kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, isa si Valdez sa kinasuhan ng isang bilang ng plunder at pitong bilang ng graft dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pork barrel fund scam na umabot sa P57.78 milyon gamit ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) simula 2004 hanggang 2010. (Jeffrey G. Damicog)