Nagbigay ng ultimatum ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang manufacturer ng instant noodles na magpatupad ng bawas-presyo sa kanilang produkto sa mga pamilihan hanggang bukas Nobyembre 5.
Babala ng DTI, papatawan ng kaukulang kaso o parusa ang mga manufacturer na tatangging magpatupad ng price rollback sa noodles lalo na’t malinaw na bumaba ng mahigit 20% ang presyuhan ng trigo sa pandaigdigang pamilihan gayundin ang presyo ng harina sa lokal na merkado.
Partikular na pinakiusapan ng DTI ang mga manufacturer ng Lucky Me na pag-aari ng Monde Nissin; Payless ng Universal Robina at Quickchow ng Zest-O, na magbaba ng kanilang produkto sa loob ng naturang palugit upang makaiwas sa kasong administratibo at kriminal tulad ng profiteering.
Nais ng kagawaran na ibaba ang presyo ng instant noodles sa 24 hanggang 30 sentimos kada pakete.
Samantala, inaasahan naman ngayong Nobyembre ang ikalawang bugso ng price rollback na 50 sentimos hangang P1 sa presyo ng tinapay kabilang ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal dahil sa pagbaba ng halaga ng harina sa lokal na pamilihan. (BELLA GAMOTEA)