Libre ang sakay ng mga pasahero ng Pasig River Ferry System sa Biyernes, Nobyembre 6, bilang handog ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagdiriwang nito ng ika-40 anibersaryo ngayong buwan.
Simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa Biyernes ay ipatutupad ng MMDA ang libreng sakay sa lahat ng istasyon ng Pasig River Ferry System, kabilang ang Pinagbuhatan at San Joaquin sa Pasig City; Guadalupe at Valenzuela sa Makati City; Hulo sa Mandaluyong City; at PUP-Sta. Mesa, Sta. Ana, Lambingan, Lawton, Escolta at Plaza Mexico sa Maynila.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ang libreng sakay ay handog ng MMDA sa mga tumatangkilik sa ferry service system simula nang muling buksan ang operasyon nito noong nakaraang taon.
Ilulunsad din ng ahensiya ang dalawang bagong ferry boat na karagdagan sa 11 bumibiyahe para serbisyuhan ang mga pasahero na nais umiwas sa trapiko sa EDSA.
Magdaraos ng limang-araw na pagdiriwang ang MMDA para sa anibersaryo nito, na tinaguriang “Life Beyond 40”.
Kabilang sa mga aktibidad ng MMDA ang fun run kahapon, at may libreng film showing ngayong Miyerkules.
(Bella Gamotea)