Isang 18-anyos na lalaki ang namatay sa isinagawang anti-criminality campaign ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 5 sa Port Area, Manila, kahapon ng madaling araw.

Namatay sa Justice Jose Abad Santos General Hospital si Mheds Manunggal, tubong Cotabato, at nakatira sa bahay ng kanyang pinsan sa Block 8, Baseco Compound, Port Area, Manila, dahil sa tama ng bala sa likod.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro, ng MPD-Homicide Section, dakong 3:00 ng madaling araw nang salakayin ng mga tauhan ni MPD-Station 5 Commander P/Supt. Albert Barot ang lugar katuwang ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDGF), Highway Patrol Group (HPG) at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Bitbit ang search warrant, hinalughog ng mga awtoridad ang ilang tahanan sa lugar na hinihinalang pinag-iimbakan ng mga ilegal na armas at carnapped na motorsiklo.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Habang nasa Block 9, biglang nagpaputok ng baril si Manunggal dahilan para gumanti ng putok sina PO1 Mark Balongay at PO2 Melvin Jara Balbag at tamaan ito.

Itinanggi ni Sitti Ibrahim, pinsan ni Manunggal, ang ulat at sinabing hindi marunong humawak ng baril ang kanyang pinsan at nadamay lamang ito. Baguhan lang din aniya sa kanilang lugar si Manuggal na ‘dumating’ noong Setyembre 27 upang mag-ayos ng mga dokumento para magtrabaho sa ibang bansa.

Nakakumpiska ang mga awtoridad ng apat na iba’t ibang klase ng baril at 80 gramo ng shabu sa lugar. May walong motorsiklo rin ang kinuha ng mga ito para beripikahin kung ang mga ito ay carnap. (Mary Ann Santiago)