BALER, Aurora – Bukod sa kasong graft na kinakaharap ng alkalde ng bayang ito, kasama ang walong iba pa, sa Office of the Ombudsman, iniimbestigahan ngayon ang punong bayan at isang konsehal dahil sa pamamahiya sa apat na pulis na rumesponde sa isang komosyon sa Barangay Buhangin nitong Linggo. Ayon sa report ng Aurora Police Provincial Office, sinabihan ni Mayor Nelianto Bihasa at ni Councilor Meinardo Tropicales sina PO3 Bernie Dela Rosa, PO2 Jeffrey Bolante, PO2 Ismael Domingo, at PO3 Dennis Gutierrez ng, “Umalis na kayo rito, mga pulis patola! Tanga-tanga kayo at mga bobo kayo!”

Sinabi ng apat na pulis na ‘tila lasing si Bihasa nang pagsabihan sila sa harap ng maraming tao nitong Linggo, kasunod ng pagdakip ng mga pulis-Baler sa hipag ng alkalde na si Leila Sanchez-Bihasa, na isa sa top 10 most wanted drug personalities sa bayan.

Si Bihasa at walong iba pa ay nahaharap sa kasong graft na inihain ni Vice Mayor Karen G. Angara-Ularan, kaugnay ng mga akusasyong malversation at fraud, at mga kasong administratibo na dishonesty, neglect of duty, gross misconduct, inefficiency, conduct prejudicial to the best of interest of the service at incompetence.

Ang reklamo ay nag-ugat sa pagkuha umano ni Bihasa ng pondo ng Sangguniang Bayan na idineklarang savings at ginamit na pambayad sa suweldo ng mga naka-job order. (Light A. Nolasco)

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?