SA panahon ngayon, karamihan sa mga balita sa araw-araw ay tungkol sa mga pagpatay, pagdukot, pagnanakaw, panggagahasa at iba pang karumal-dumal na krimen.
Ang mga krimen ay lalong nagiging brutal, na parang ginawa ng mga halimaw, at ang pangunahing dahilan ay ang pagkakasangkot ng ilegal na droga.
Kaya nga malimit nating nababalitaan ang mga nasa impluwensiya ng droga na pinapatay o inaabuso ang kanilang sariling pamilya.
Sa ngayon, lumalaki ang paniniwala ng mga mamamayan na patuloy ang paglubha ng problema sa kapayapaan at ilegal na droga.
Dahil dito, ang mga estadistika na pinalalabas ng mga awtoridad tungkol sa pagbaba ng krimen ay sinasalubong ng pag-aalinlangan. Noong Agosto, nalathala ang ulat ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa krimen sa unang anim na buwan ng 2015.
Ayon sa PNP, ang bilang ng krimen sa Metro Manila ay bumaba ng 60 porsiyento kung ihahambing sa bilang sa unang anim na buwan ng nakaraang taon.
Ngunit sinabi rin ng PNP na sa buong bansa, ang bilang ng krimen ay tumaas ng 46%.
Sa aking pananaw, ito ay indikasyon na dumarami ang krimen sa mga lalawigan. Sa nakalipas na panahon, sinasabi natin na ang mga mapayapang komunidad ay nasa mga lalawigang malayo sa Kamaynilaan.
Batay sa ulat ng PNP, ang index crimes sa buong bansa ay tumaas ng 37.3% mula sa 256,592 noong unang anim na buwan ng 2014 hanggang sa 352,321 ngayong 2015.
Ang mga tinatawag na index crimes ay ang pagpatay, panggagahasa at pagnanakaw.
Ang bilang ng kasong murder ay umabot sa 7,245 sa unang anim na buwan ng 2015, mula sa 5,004 sa parehong panahon noong 2014. Ang mga kaso ng homicide ay tumaas mula sa 4,091 hanggang sa 6,607.
Ang kalagayang pangkapayapaan sa Pilipinas ay sinusubaybayan ng ibang bansa upang matulungan ang kanilang mga negosyante sa paggawa ng desisyon kung saan mamumuhunan.
Sa ulat na “Overseas Business Risk-Philippines”, na may petsang Hulyo 2015, binanggit ng pamahalaan ng Britanya ang mataas na bilang ng mga bayolenteng krimen sa Pilipinas, kabilang ang paggamit ng baril, sa paggawa ng krimen.
Hindi naman nag-iisa ang Pilipinas sa suliranin sa droga. Ayon sa 2015 World Drug Report ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), may kabuuang 246 na milyong tao ang gumamit ng ilegal na droga sa daigdig noong 2013. Sa nasabing taon, 187,100 tao ang namatay na may kaugnayan sa droga.
Sinuman ang mahalal na uupo sa Malacañang ay mangangailangan ng mahusay na pangkat at lahat ng suportang makukuha upang malutas ang mga problemang ito sa susunod na anim na taon, para sa kapakanan ng bayan at kinabukasan ng mga mamamayan.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)