Hinamon ng isang Catholic bishop ang gobyerno na isailalim sa lifestyle check ang mga airport security personnel, bunsod ng kontrobersiya ng “tanim bala” scheme o paglalagay ng bala sa mga bagahe ng mga pasahero upang makotongan ang mga ito.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, dapat na imbestigahan ng awtoridad ang mga nag-iinspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero, partikular ang mga sinasabing nakahuli sa mga pasaherong may dalang bala.
“They should look into their work records and lifestyle,” ani Santos, na siya ring chairman ng Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Kasabay nito, iminungkahi pa ng obispo sa mga mambabatas na repasuhin ang batas na nagbabawal at nagpaparusa sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay sa bagahe, tulad ng bala o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Paliwanag niya, lumilitaw na naaabuso at napagsasamantalahan kasi ng ilang tiwaling indibiduwal ang naturang batas.
“Perhaps it is time for our lawmakers to revisit this law to make it clearer and more effective in warding off the real security threats to our country and not be used by criminal-minded people to prey on the innocent,” aniya pa.
Umapela rin ang Obispo sa Malacañang na tuldukan na ang naturang katiwalian, at imbestigahan at parusahan ang mga nasa likod nito. (Mary Ann Santiago)