Nahaharap ngayon sa kasong administratibo sa Office of the Ombudsman sina Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado dahil sa umano’y kabiguan ng mga ito na tuldukan ang ‘tanim bala’ extortion scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan sa bansa.

Ang reklamong administratibo ay inihain ni Sen. Alan Peter Cayetano, at ng mga kinatawan ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) at Network of Independent Travel Agents.

Hiniling ng mga complainant kay Ombudsman Conchita Carpio Morales na suspendihin ang mga akusado at kung may sapat na ebidensiya ay sibakin ang mga ito sa puwesto.

Kabilang sa mga kinasuhan ng paglabag sa Executive Order 226 o Institutionalization of the Doctrine of Command Responsibility in All Government Offices ay sina Office for Transportation Security Administrator Roland Recomono at Director Pablo Francisco Balagtas, ng PNP Aviation Security Group.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iginiit ni Cayetano, na kandidato sa pagka-bise presidente sa 2016, na dapat panagutin sina Abaya dahil sa kapalpakan ng mga ito na resolbahin ang umano’y pangongotong sa mga paliparan gamit ang modus na pagtatanim ng bala sa bagahe ng mga inosenteng pasahero, na karamihan ay mga overseas Filipino worker (OFW). (JUN RAMIREZ)