Isang malaking kahihiyan ang pagdami ng nagugutom na pamilyang Pinoy, na ayon sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) ay umabot na sa 3.5 milyon.
“Isa lamang ang masasabi ko sa tumataas na bilang ng nagugutom na Pinoy na napababayaan ng gobyerno – nakaeeskandalo,” ayon kay Mon Ilagan, tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay, na standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA).
“Sadyang laganap ang gutom at kahirapan sa harap ng bilyun-bilyong pisong inilaan ng gobyerno sa iba’t ibang programa,” dagdag ni Ilagan.
Lumitaw sa huling SWS survey na dumami ang nagugutom na pamilyang Pinoy sa 3.5 milyon, o 13.5 porsiyento sa third quarter ng 2015 mula sa 12.7 porsiyento noong second quarter.
Ito ay taliwas sa ibinabandera na “economic gains” at “inclusive growth” ni Pangulong Aquino, aniya.
“Matapos ang anim na taon silang nakapuwesto, sapat ba ang ginagawa ng administrasyon upang matugunan ang kahirapan?
Ano ba talaga ang nagawa na nila?” tanong ng UNA spokesman.
Aniya, ito ay patunay lang na bulag at manhid ang administrasyong Aquino sa kapakanan ng mamamayan.
(Ellson A. Quismorio)