Patung-patong na kaso ang kinahaharap ngayon ng dalawang pulis at 52 iba pa dahil sa ilegal na pagpapalit ng ninakaw na tseke na nakalaan sa pautang sa mga empleyado ng Philippine National Police (PNP).
Simula Oktubre 2013, nakapag-encash ang grupo nina PO3 Jovelyn Agustin at PO3 Orlando Belen ng P7.63-milyong halaga ng tseke mula sa PNP Provident Fund, ayon kay Chief Supt. Victor Deona, director ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Deona, sinimulan ang imbestigasyon sa Provident Fund nitong 2014 matapos tangkain ng grupo na i-encash ang tseke ng isang bogus na loan applicant noong Mayo ng naturang taon.
At sa kasagsagan ng imbestigasyon, lumantad sina Agustin at Belen, na umano’y mag-live in partner, kasama ang isang kakutsabang sibilyan na si Mervelyn Taguilaso.
“PO3 Agustin was then assigned as loan processor for the Finance department of the Provident Fund. She gravely abused the trust and confidence of the said institution by stealing the Provident Fund checks,” paliwanag ni Deona.
Ang modus operandi ng tatlo, ayon kay Deona, ay nagnanakaw si Agustin ng tseke sa kanilang tanggapan at maghahanap ng tao na magpapanggap na loan applicant na gagamitin upang makuha ang tseke.
Gagamit din ang mga bogus na aplikante ng pekeng PNP identification card at iba pang dokumento na kabilang sa requirement ng bangko para mai-encash ang tseke. (AARON RECUENCO)