Hinamon at binigyang inspirasyon ni Asia’s First Grandmaster Eugenio Torre sina Woman International Master Janelle Mae Frayna at IM Haridas Pascua na sunggaban ang mga huling kailangang requirement sa parating na dalawang international chess tournament sa buwang ito sa Subic Bay Freeport Zone sa Subic, Zambales para mapabilang sa elite chess players at makagawa ng dagdag na kasaysayan sa bansa.

“Go for for the kill,” pahayag ng unang Asian at Pinoy GM na si Torre, na nakamit ang titulo sa 21st World Chess Olympiad noong Hunyo 6-30, 1974 sa Nice, France sa closing/awarding ceremony ng natapos na 2015 National Chess Championships-Battle of the Grandmasters sa Philippine Sports Commission National Athletes’ Dining Hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Hinimok mismo ni Torre, pinaka-senior na naghari sa NCC-BGM Open division noong isang taon sa edad na 62 pero pumang-apat lang ngayong taon, na dapat samantalahin nina Frayna at Pascua ang oportunidad na ibinibigay sa kanila ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa pakikikipagtulungan ng PSC.

“Magpasalamat tayo na kahit medyo mahirap ang buhay ngayon pinipilit ng pamunuan ng NCFP na makapagdaos pa rin ng mga kumpetisyong gaya nito na round robin na maganda para mabigyan ng tsansa ang mga mas bata sa amin na makakuha ng norms at mapataas ang kanilang ratings para na rin sa kapakanan ng mahal natin na sport at para sa kanila na rin,” sabi ni Torre.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ang dalawang nakatakdang sumulong na torneo sa Subic ay ang Philippine International Chess Championships sa Nobyembre 8-15 at ang PSC/Puregold Int’l. Chess Challenge sa Nob. 15-22.

Kailangan na lamang ng magandang Bikolanang si Frayna, 19, at FEU-Morayta Psychology graduating student, ang ikatlo at huling Woman GM norm upang tanghaling kauna-unahang babaeng chess player sa bansa na naabot ang prestihiyosong titulo.

Kulang na lamang nang 27 puntos si Frayna para umabot sa 2300 ang rating para maging kauna-unahang full-fedged Woman GM (WGM) ng bansa.

Nakuha ni Frayna ang unang WGM norm nang kumakalas ang pumang-apat sa sa six points sa Open division 12-player 2014 NCC-BGM sa RMSC din at ang pangalawa ay sa 150-entry 15th Bangkok Chess Club Open 2015 sa Thailand noong Abril 12-19 kung saan 35th placer siya sa 5.5 pts. Pero lumagak lang siyang 11th at dead last sa 3.0 pts. sa katatapos na 2015 NCC-BGM.

Nakamit naman ng 22-anyos na Pangasinenseng si Pascua ang tatlo na niyang GM norms sa Abu Dhabi Masters Open Tournament 2015 sa UAE noong Agosto 1-13, sa 5th HD Bank Cup International Chess Championships 2015 sa Ho Chi Minh City, Vietnam noong Marso 16-22 at sa PSC-Puregold Int’l Chess Challenge 2014 noong Disyembre 14-21, 2015 sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City. Third siya sa 2015 NCCC-BGM.

Sa rating na 2462, kailangan pa niya ng 38 puntos upang maabot ang 2500 rating bago aprubhan ng International Chess Federation (FIDE) ang aplikasyon niyang maging GM na una sa bansa sapul noong 2011 at mahanay sa 14 GMs sa bansa.

(ANGIE OREDO)