Balak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magsagawa rin ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) para sa lahat ng overseas Filipino worker (OFW) na papaalis ng bansa upang maiwasang mabiktima ng “tanim bala” scheme sa mga paliparan.
Sinabi ni OWWA Administrator Rebecca Calzado na oobligahin niya ang lahat ng PDOS-accredited recruitment agency na paigtingin ang pagpapakalat sa mga OFW ng impormasyon laban sa “tanim bala” scheme bago bumiyahe ang mga ito sa ibang bansa.
Aniya, mahalagang sumailalim ang mga OFW sa PDOS upang makakuha ng tip laban sa “tanim bala” at iba pang modus sa mga paliparan.
Nakasaad sa seminar ng PDOS kung ano ang maaaring gawin ng isang OFW upang makaiwas sa iba’t ibang modus sa mga airport.
Kabilang dito ang personal na pag-eempake ng bagahe at kapag nasa airport na, huwag ipagkatiwala ang mga maleta sa ibang tao.
Maliban dito, nagbigay din ng tip sa mga OFW kung paano at saan sila pupunta pagdating sa airport, tulad na rin ng pagpila sa OFW counter, mula sa check in, terminal fee lane at immigration OFW special lane. (Ariel Fernandez)