WADI Al-ZOLOMAT, Egypt (AFP) — Ang Russian airliner na bumulusok sa Egypt ay nawasak sa kalawakan, sinabi ng isang imbestigador, habang inilipad na ang karamihan ng 224 kataong namatay sakay nito pauwi sa kanilang bayan.

Umapela si President Abdel Fattah al-Sisi na maging mapagpasensiya upang matukoy ang sanhi ng pagbulusok noong Sabado, matapos akuin ng Islamic State (IS) jihadist group ang pagpapabagsak sa A-321 sa magulong Sinai Peninsula ng Egypt.

“The disintegration happened in the air and the fragments are strewn over a large area,” sabi ni Viktor Sorochenko, senior official sa Interstate Aviation Committee ng Russia, sinipi ang Russian news agency na RIA-Novosti mula Cairo.

Sinabi ni Sorochenko, namumuno sa international panel of experts, na masyado pang maaga “to draw conclusions” sa kung ano ang naging sanhi ng pagbulusok ng flight KGL 9268 mula sa Red Sea holiday resort ng Sharm el-Sheikh patungong Saint Petersburg.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Narekober ng mga imbestigador ang “black box” flight recorder ng Airbus, na bumagsak sa Wadi al-Zolomat area ng North Sinai, at sinabi ng Egyptian government na pinag-aaralan na nila ang laman nito.

Kapwa isinantabi ng Cairo at Moscow ang pag-ako ng IS sa pagbagsak ng eroplano ng Kogalymavia airline.

Kabilang ang mga Irish at French investigator sa international experts na nag-iimbestiga sa posibleng sanhi ng pagbulusok. May duda sila na human o technical error ang sanhi nito ngunit hindi rin isinasantabi ang pagtama rito ng isang surface-to-air missile.

Ang huling malaking air crash sa Egypt ay nangyari noong 2004, nang bumulusok ang isang Flash Airlines Boeing 737 sa Red Sea matapos lumipad mula sa Sharm el-Sheikh, na ikinamatay ng lahat ng 148 kataong sakay nito.