LAMAN ng mga balita ang Syria sa nakalipas na mga buwan dahil daan-libong Syrian refugees ang nagtatangkang pumasok sa Europe upang magsimula ng panibagong buhay. Tinatawid ang hanggang sa hilaga patungong Turkey, naglalayag sakay ng mga mabubuway na bangka pakanluran patawid ng Aegean Sea patungong Greece, bago maglalakad na pahilaga sa Balkans patungong Hungary, Austria, Germany, at sa iba pang panig ng Western Europe.
Nitong Setyembre, dahil sa larawan ng isang batang lalaking Syrian na ang bangkay ay tinangay sa pampang sa Turkey, ay umani ng pandaigdigang simpatiya ang migrant crisis. Hindi naman maaaring tanggapin ng mga bansa sa Europe ang lahat ng naghahanap ng matutuluyan dahil limitado rin ang kani-kanilang resources upang maibigay ang lahat ng pangangailangan ng napakaraming refugee mula sa Syria at mula sa iba pang bansa sa Middle East at Africa.
Nitong Biyernes, nagpulong sa Vienna, Austria ang mga opisyal ng ilang bansa upang tukuyin ang ugat ng problema sa refugees—ang paglalaban sa pagitan ng gobyernong Syrian at ilang puwersa ng oposisyon, kabilang ang Islamic State na kumubkob na rin sa maraming lugar sa Iraq. Tumulong ang United States, kasama ang Saudi Arabia sa mga puwersang oposisyon na ito. Ngunit ang Russia, kasama ang Iran, ang umaayuda naman sa gobyerno ni King Bashar al-Assad.
Sa pagkakaroon ng makakapangyarihang puwersa laban sa isa’t isa, hindi nakapagtatakang nagpapatuloy hanggang ngayon ang kaguluhan sa Syria, na nagbunsod upang lumikas ang mamamayang Syrian palayo sa kanilang bayan upang makapagsimula muli ng kanilang mga buhay sa ibang lugar.
Ito ang unang beses sa komperensiya sa Vienna na ang dalawa sa pinakamakakapangyarihang bansa sa Middle East—ang Saudi Arabia at Iran—ay magpupulong. Makakasama nila ang sampung iba pang bansa, kabilang ang US, Russia, Turkey, Egypt, Iraq, Qatar, Lebanon, at ang European Union. Sinasabing ang pangunahing usapin na humahadlang sa kasunduan ay kung mananatili sa kapangyarihan si King Assad, na sinusuportahan ng Russia at Iran, at ang bawat bansa sa magkabilang panig.
Umaasa tayo sa usapang pangkapayapaan sa Vienna, dahil nangangamba pa rin tayo para sa kapakanan ng libu-libong pamilya na naghahangad ng kaligtasan at bagong buhay sa Europe. Maaaring napakalayo ng Syria sa Pilipinas, ngunit batid ng mga Pilipinong Kristiyano na ang Syria ay isang mahalagang lugar sa kasaysayan ng kanilang pananampalataya; sa kalsada patungo sa Damascus sa Syria unang naulinigan ni San Pablo ang tawag ni Kristo at nagdesisyong sundan ito.
Puntirya ng komperensiya sa Vienna ang isang solusyong pulitikal kaugnay ng digmaan sa Syria. Hindi ito simple, ngunit dapat na gawin ang lahat ng posibleng paraan—para sa kapanatagan ng buong Middle East at upang magwakas na ang paghihirap ng napakaraming Syrian at ng iba pang refugees sa mundo.