SA Bibliya, may kuwento na naglaban sina David at Goliath. Si David ay maliit habang si Goliath ay malaki at malakas. Gayunman, nagawa siyang talunin ni David gamit ang isang tirador. Nasa ganitong situwasyon ang Pilipinas ngayon. Isang maliit na bansa na nilalabanan ang dambuhalang China na umaangkin sa halos buong South China Sea (West Philippine Sea). Kinakamkam nito maging ang mga reef, islet at iba pang teritoryo na saklaw ng hurisdiksiyon ng ating bansa.

Maging ang Vietnam, Taiwan at Japan ay umaangal sa agresibong expansionist at imperialistc attitude ng China na dati ay isang maamo, mabait na bansa--matulunging kapitbahay ng ‘Pinas at masiglang katuwang sa kalakalan, kultura, at sining. Sa pagdaan ng panahon, nag-iba ang ugali ng China. Marahil sa “tamang panahon” ay baka maliwanagan din ang bansa ni President Xi Jin Peng.

Tulad ni David, naka-score ang Pilipinas sa unang round ng labanan nang katigan ng Arbitration Court sa Netherlands na may hurisdiksiyon ang korte upang dinggin ang maritime claims ng ating bansa laban sa China tungkol sa agawan sa WPS. Tinanggihan ng Permanent Court of Arbitration ang claim ng China tungkol sa territorial sovereignty kaya walang pakialam dito ang hukuman. Tinututulan ng Pilipinas ang ginagawa ng China sa WPS, na kahit ang teritoryo na saklaw ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng ‘Pinas ay inaangkin din ni Goliath este, ng China.

Dinakila at inidolo ng kakilala kong mga aktibista ng First Quarter Storm (FQS) ang China dahil sa mabangis nitong pagkontra sa imperyalistang America. Nariyan sina Jerry Barican (RIP), Ibarra Tubianosa (RIP) na naging kaklase ko sa UST, Chito Sta. Romana, Jaime FlorCruz (taga-Malolos, Bulacan) at iba pa. Noon, lagi silang sumisigaw ng: “Ibagsak ang US, ibagsak ang Pangulo ng PHL”. Ngayong ang China ay maliwanag na isang imperialistic country na, eh bakit hindi sila nagpoprotesta at humihiyaw ng “Ibagsak ang imperyalistang China!”? Bakit, oh bakit? Wala ba kayong yagbols kontra China?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

***

Nais ng Tigre sa Senado na si Sen. Miriam Santiago na imbestigahan ang umano’y “bullet-planting” o tanim bala gang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na malimit na nabibiktima ay OFWs. Isa na ngang “worst airport” ang NAIA, eh di lalong magiging worst airport ito bunsod ng modus operandi sa paliparan para kotongan ang kawawang OFWs at dayuhan. Talaga bang “It’s More Fun in the Philippines” o “It’s more sadness in PHL?”.

Hinihiling ng press freedom watchers na Reporters Without Borders (RSF) sa United Nations na lumikha ng Special Representative of the Secretary-General for the Safety of Journalists at markahan ang Nobyembre 2, 2015 bilang “International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists” (IDEI). Malaki raw ang maitutulong ng Special Representative na magtatrabaho kasama ng UN Sec. General upang masugpo ang mga pagpatay sa journalists.

Pansinin ninyo, ang Partido Galing at Puso (PGP) nina Sens. Grace Poe at Chiz Escudero na inilunsad sa Club Filipino noong isang linggo kasabay sa paghahayag ng 12 senatorial bets, ay hango mismo sa pangalan ni Grace Poe o initials na GP kaya ito ay Partido GP. Pwede rin naman ay for General Patronage. ‘Di ba si Sen. Grace ay naging chairperson ng MTRCB noon? (BERT DE GUZMAN)