BAGAMAT malayu-layo pa ang itinakdang campaign period ng mga kandidato, lalong tumitindi ang pagpapahiwatig ng kani-kanilang mga plataporma. Sa biglang pagdinig, halos magkakatulad ang isinisigaw na adhikain ng naturang mga lingkod-bayan—mula sa Pangulo hanggang sa pinakamababang kandidato mula sa pamahalaang lokal. Masyadong nalilito ang mamamayan; walang itulak-kabigin sa mga kandidato.

Ipinanggagalaiti ng halos lahat ng kandidato ang paglipol sa mga katiwalian kapag sila ay nahalal. Maliwanag na ang kanilang Plataporma ay nakaangkla sa pag-amin ng kasalukuyang administrasyon na talamak pa rin ang pagmamalabis sa burukrasya. Sapagkat ang gayong sakit ng lipunan ay halos sintanda na ng panahon, may maniniwala pa kaya na ito ay malilipol?

Nais ng ilang kandidato – lalo na ng mga mambabatas – na pawalang-bisa ang batas hinggil sa contractualization. Ang nasabing batas na itinuturing na salot sa labor system ng bansa ang nagiging hadlang upang ang isang manggagawa o wage earner ay hindi maging isang regular employee sapagkat binabago ang kanilang kontrata bago matapos ang kanilang anim na buwang pagseserbisyo. Itinatadhana ng batas na ang isang contractual worker ay awtomatikong magiging regular employee kapag nakapaglingkod ng anim na buwan o higit pa. Halos imposibleng maisulong ito ng mga kandidato sapagkat sinasabing matindi ang pagtutol ng malalaking negosyante, na walang inaatupag kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang sa kapinsalaan ng labor force.

Sapagkat ang Pilipinas ay isang agricultural country, nagpapayabangan ang mga kandidato na ipaglalaban nila ang pagkakaroon ng sapat na produksiyon. Paanong matatamo ito kung ang gobyerno ay manhid sa pag-ayuda sa mga magsasaka?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May maniniwala ba na tayo ay magiging isang rice-exporting country (nagluluwas ng bigas) mula sa pagiging isang rice-importing country (umaangkat ng bigas)?

Ang ganitong mga plataporma – at marami pang iba – ay mistulang pang-uuto lamang sa mga botante kaugnay ng nalalapit na halalan. (CELO LAGMAY)