Lalakbayin ng Le Tour de Filipinas (LTdF) ang Katimugan ng Luzon para sa ikapito nitong edisyon na magsisimula sa Antipolo City at magtatapos sa Legaspi City kung saan matutunghayan ang halos perpektong hugis kono ng Mayon Volcano.

Ang apat na stage na karera na magsisimula ng Pebrero 18, 2016 mula sa bulubunduking bahagi ng Antipolo at babagtas sa mga matatarik na lugar ng Laguna at Quezon bagfo humantong ng Lucena City para sa unang yugto nito.

Ayon kay Donna Lina ng organizer na Ube Media Inc., ang Stage Two ng taunang karera na nakahanay sa Asia Tour calendar ng International Cycling Union (UCI) ay maghahatid sa continental team-laden entourage patungong Daet, Camarines Norte sa Pebrero 19.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Para naman sa Stage Three na magaganap ng Pebrero 20, magiging isa itong mahabang paglalakbay mula sa Daet patungong Legaspi City kung saan matutunghayan ng mga riders sa unang pagkakataon ang kaakit-akit ngunit mapanganib na Bulkang Mayon sa pagtatapos ng karera sa kapitolyo ng Albay.

At sa huling bahagi ng karera, iikutin ng mga siklista ang paligid ng Mayon sa Pebrero 21 kung saan daraanan nila ang geothermal power plants sa Tiwi sa isang out-and-back course sa Legaspi City.

May labinlimang mga koponan na kinabibilangan ng hanggang 12 continental team mula sa may limang mga kontinente sa buong mundo ang sasabak sa nag-iisang UCI race sa bansa na kinapapalooban ng distansiyang tinatayang aabot sa 600 kilometro.

“It’s about time that we bring the LTdF down south, this time in the Southern Tagalog and Bicol region to spur awareness on cycling not only as a competitive sport, but more importantly as a form of physical fitness,” ani Lina.

Ang unang anim na edisyon ng LTdF ay idinaos sa Hilagang bahagi ng Luzon kung saan naging hamon para sa mga kalahok ang pag-ahon sa mataas na bahagi ng Cordillera.

Dalawang Filipino rider sa katauhan nina Baler Ravina (2012) at Mark Galedo (2014) ang nagwagi na sa mag naunang edisyon ng LtDF kung saan kasama nilang naging kampeon sina David McCann ng Ireland noong 2010 at mga Iranian na sina Rahem Emami noong 2011. At dating Asia No. 1 rider na si Ghader Mizbani noong 2013 at ang Frenchman na si Thomas Lebas, na kumatawan sa Japan-based Bridgestone Anchor Cycling Team, sa nakaraang 2015 edition.

(MARIVIC AWITAN)