Isa sa mga law firm na kumakatawan kay Domingo “Sandy” de Guman, na itinuturong nasa likod sa pagpatay sa international race driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor, ang nagbitiw sa kaso bunsod ng kawalan ng komunikasyon sa kanyang kliyente.
Naghain ng tatlong-pahinang withdrawal of appearance sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 85 si Atty. Roman Esguerra ng Beltran, Esguerra, Santillan Law Office bilang abogado ni De Guzman kaugnay sa kinahaharap nitong murder case.
Idinahilan ni Esguerra na ilang beses niyang tinangkang makausap si De Guzman subalit hindi na niya ito mahanap.
“Being unable to communicate with the accused, the undersigned counsel (Esguerra) is rendered incapable of further discharging his professional and lawyerly duties as collaborating counsel for De Guzman,” nakasaad sa mosyon ng abogado.
Una nang pinaboran ni QCRTC Branch 85 Judge Luisito Cortez ang hiling ng isang private prosecutor na atasan ang mga abogado ni De Guzman na magsumite ng written authority mula sa akusado bilang patunay na sila nga ang kinatawan nito sa pagdinig sa kaso.
Naglabas din ng kahalintulad na kautusan si Judge Cortez sa mga abogado ni Dalia Guerrero-Pastor, asawa ni Enzo na umano’y kakutsaba ni De Guzman sa pagpatay sa race driver noong Hunyo 12, 2014.
Subalit hindi pa rin sumipot sina Sandy at Dalia sa mga nakaraang pagdinig at ito ang naging basehan ni Judge Cortez na obligahin ang mga abogado ng dalawang akusado na maglabas ng patunay na sila ang kinatawan ng mga ito habang sila ay pinaghahanap pa rin ng awtoridad. (Chito A. Chavez)