SA mga taga-Angono, Rizal, na Art Capital ng Pilipinas, lalo na sa mga nagpapahalaga sa sining, tradisyon at kultura , mahalaga ang ika-4 ng Nobyembre ‘pagkat ito ay paggunita at pagdiriwang ng ika-103 anibersaryo ng kaarawan ng National Artist na si Carlos Botong Francisco. Para sa kabatiran ng marami, lalo na ng kabataan, si Francisco ang nag-iisang pintor na bumuhay sa nalimot na sining ng mural at nagtaguyod nito sa loob ng may 30 taon. Sa mga likhang-sining ni Francisco, ang mga larawan ng makasaysayang lumipas ng iniibig nating Pilipinas ay isinalin niya bilang malinaw na tala ng nalimot na katapangan at kagitingan ng mga bayani.
Si Francisco ay itinuring na folk saint ng kanyang mga kababayan at tapat na tagapagtaguyod ng mga proyektong pangkultura at pambayan sa Angono, Rizal. Isang pintor-muralist na ang kakayahan at talino ay maipapantay sa mga alagad ng sining ng ibang bansa, isa sa hindi malilimot na mural ni Francisco ang makikita sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall. Ang mural ay may kaugnayan sa kasaysayan ng Pilipinas. Idagdag pa ang isang mural na naglalarawan ng Bayanihan, na nasa lobby ng United Laboratory sa Mandaluyong City. Gayundin ang apat na mural na nasa lobby ng Philippine General Hospital sa Maynila na naglalarawan ng kasaysayan ng medisina sa Pilipinas. Sa simbahan naman ng Sto. Domingo sa Quezon City ay naroon din ang mural ni Francisco tungkol sa buhay ni Saint Dominic, ang nagtatag ng kongregasyon ng mga paring Dominican.
Bilang pagpapahalaga at paggunita sa ika-103 taon kaarawan ng National Artist, isang art exhibit ang bubuksan sa Nobyembre 4, sa SM Center Angono. Tampok dito ang mga likhang-sining ng lahat ng pintor sa Angono, kabilang ang mga obra ng pamunuan at mga miyembro ng Angono Ateliers, ang unang samahan ng mga pintor sa Angono na sa mahigit na dalawang dekada ay nangunguna sa pagkakaroon ng art exhibit tuwing Nobyembre 4, na handog sa kaarawan ni Francisco.
Sa ngayon, ang pangangasiwa sa art exhibit tuwing kaarawan ni Francisco ay nasa pamamahala na ng lokal na pamahalaan ng Angono, sa pangunguna ni Angono Mayor Gerry Calderon.
Bahagi rin ng paggunita at pagdiriwang ng ika-103 taon kaarawan ni Francisco ang pagdaraos ng graffiti art painting sa Baytown, sa bahaging sakop ng Angono, na lalahukan ng kabataang artist ng Angono.
Sa pagdiriwang ng ika-103 kaarawan ni Francisco ay inaasahang magiging bahagi rin ang pagdalaw ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila at sa Bgy. Poblacion sa Angono upang makita ang bahay-gallery ng National Artist at ang mga relief sculpture ng mga likhang-sining niya, na nasa bakod na pader ng mga bahay sa nasabing barangay hanggang sa bakod sa tagiliran at likod ng simbahan ng Angono. (CLEMEN BAUTISTA)